3 kelot utas sa 1K na naholdap
MANILA, Philippines -Mistulang ipinagpalit ng tatlong holdaper ang kanilang buhay sa halagang P1,000 na hinoldap nila sa isang taxi driver na kanilang sinakyan matapos na masabat sila at manlaban sa mga pulis kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Sa salaysay ng taxi driver na si Francis Diaz, dakong alas-2:00 ng madaling-araw at minamaneho nito ang kanyang KDCV taxi ay pinara siya ng isang lalaki sa Congressional Avenue at nagpapahatid sa Sinagtala, Caloocan City.
Ilang minuto pa lamang nakakalayo ay pinahinto kay Diaz ng pasahero ang taxi pagsapit sa Mindanao Avenue at dito ay sumakay ang dalawang kasamahan.
Pagpasok ng dalawang lalaki ay agad na nagdeklara ng holdap ang mga ito at tinutukan si Diaz ng baril.
Puwersahang kinuha ng mga suspek ang relo at P1,000 na kita sa pamamasada bago ginapos.
Nangako ang tatlong suspek na hindi nila sasaktan si Diaz na ibinababa nila sa isang lugar sa Tandang Sora at mabilis na tumakas ang suspek.
Masuwerte namang napadaan sa lugar ang mobile patrol ng QCPD sa lugar at humingi ng tulong si Diaz.
Mabilis na hinabol ng mga pulis ang mga suspek na nasukol matapos ang limang minutong habulan.
Pinahinto ng mga pulis ang mga suspek na sakay sa kinomander nilang taxi, subalit mabilis na pinaharurot ng mga ito ang taxi hanggang sa maghabulan at nagkaroon ng palitan ng putok sa Mindanao Avenue tunnel na ikinasawi ng tatlong suspek na walang nakuha na anumang pagkakakilanlan.
Ayon sa pulisya na talamak ang insidente ng carjacking sa lugar na kung saan ay ginagamit ang taxi sa para panghoholdap ng pasahero o kaya ay ibinibenta ang mga parte ng sasakyan.
- Latest