Palasyo, kaisa sa pagdiriwang ng mga Pinoy sa panalo ni Pacquiao
MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng Palasyo ng Malakanyang na kaisa ng mga Pilipino sa pagdiriwang ng pagkapanalo ni Manny Pacquiao laban kay Brandon Rios.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, malaking tulong para sa mga mamamayan, lalo na sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda ang pagkapanalo ng People’s Champ.
“Ipinakita niya ang tapang, husay at pagpupunyagi na nagbunsod sa kanya na maging inspirasyon at huwaran sa lahat ng Pilipino saan man sa mundo. Sa gitna ng matinding laban, lubos na nasusukat at nakikilala ang tatag ng pagkatao ng lahing Pilipinoâ€, ani Sec. Coloma.
Inihayag pa ni Coloma na maituturing na isang morale booster ang panalong ito ni Pacquiao na anya’y tiyak na magpapasigla, magpapalakas sa kalooban at magpapataba sa puso ng bawat Pilipino.
Sinabi pa ni Sec. Coloma, nakatakda ng ayusin ang detalye ng pagsalubong kay Pacquiao kasama na ang courtesy call sa Pangulong Benigno Aquino III sa Malakanyang.
Bago pa man ang laban ay ipinangako ni Pacman na dadalhin niya ang pag-asa ng mga biktima ng bagyong ‘Yolanda’ kaya ini-alay nito sa kanila ang kanyang laban.
Tiniyak ni Pacman na personal niyang ihahatid ang kanyang tulong sa mga biktima ng bagyo sa oras na siya ay makabalik sa bansa.
- Latest