MANILA, Philippines - Arestado ang commercial model sa mga awtoridad dahil sa pagdadala ng ipinagbabawal na droga nang dumalaw ito sa nakakulong na live-in partner sa PDEA headquarter sa Quezon City kamakalawa.
Kinilala ang suspek na si Charmie Cruz, 22–anyos, freelance commercial model at nakatira sa #335 Sta, Isabel St., Samploc, Maynila.
Si Cruz ay nakapiit ngayon sa detention cell ng Philippine Drug Enforcement Agency makaraang makumpiskahan ng sachet ng shabu ng mga awtoridad.
Sinasabing dakong alas -2:30 ng hapon, dadalaw umano si Cruz sa kanyang live-in partner na si Manuel Cafranca na nakapiit sa himpilan ng PDEA dahil sa kasong drug pushing.
Standard operating procedure na lahat ng dadalaw sa mga nakakulong sa PDEA ay sinisiyasat at nang kinakapkapan ni Agent 101 Florian Rose Medica si Cruz ay nahulihan ng sachet ng shabu na itinago sa kanyang tsinelas.
Agad na dinakip ni Agent Medica ang magandang suspek na ngayon ay nakakulong na rin sa PDEA.