Nag-withdraw ng P.5-M, dedo sa tandem

MANILA, Philippines - Isang 44-anyos na ginang ang nasawi nang ito ay pagbabarilin ng isang lalaki na sakay ng motorsiklo matapos itong mag-withdraw sa bangko ng P500,000 kahapon ng umaga sa Quezon City.

Ang biktima na namatay noon din ay nakila­lang si Olivia Gilasco, may-asawa, secretary ng isang kumpanya at residente ng Villa Olympia Town Homes, Cainta Rizal.

Hindi pa kilala ang gun­man na naka-helmet, naka-jacket ng kulay asul na tumakas sakay ng isang motorsiklo na walang plaka at minamaneho ng kasama na nagsilbing lookout.

Batay sa ulat, bago nangyari ang pamamaril dakong alas-10:20 ng umaga sa harap ng Bellbry Lubricant sa Halcon St., ay galing ang biktima sa isang bangko at nag-withdraw ng P500,000.

Matapos na maka­pag-withdraw ay suma­kay ito sa Nissan Navarra (ZTX-788) at pagbaba sa pintuan ng kanilang opisina ay sumulpot ang gunman at pinagbabaril ito.

Nabitawan ng biktima ang bag na naglalaman ng P500,000 na siyang tinangay ng gunman at sumakay sa nakaantabay na motorsiklo ng kasama.

Masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng pulisya sa hinala na inside job ang naganap dahil sa alam ng gunman ang oras na nag-withdraw ito sa bangko at pagbalik sa opisina.

Show comments