Naglaro nang bigti-bigtihan, natuluyan

MANILA, Philippines - Natuluyan ang isang  14-anyos na binatilyo nang ito ay mabigti habang nag­lalaro sila ng kapatid nang bigti-bigtihan sa loob ng kanilang bahay kamaka­lawa ng gabi sa Quezon City.

Ang biktima ay nakilalang si John Mark Daguplo, ng Adelina Farm,San Roque 1, Barangay Bagong Pag-asa sa lungsod.

Sa salaysay ng mga magulang sa pulisya, dakong alas-6:00 ng gabi ay naglalaro ang biktima na umaarte sa harap ng kanyang kapatid na si JR, 9-anyos na binibigti ang sarili.

Tumalikod si JR para  manood ng telebisyon at ilang sandali ay narinig nito na sumisinghap ang biktima at nang lingunin ay nakita niya itong nakabigti gamit ang kumot na ipinalupot sa kanyang leeg.

Humingi ng tulong si JR sa kapitbahay at natanggal sa pagkatali at hindi na ito umabot ng buhay sa East Avenue Medical Center (EAMC).
 

Show comments