OFWs sa Saudi pinakakalma sa ‘crackdown’

MANILA, Philippines - Umaapila ang Embahada ng Pilipinas sa Riyadh sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na manatiling kalmado habang nag-aantabay ng kanilang pag-uwi sa Pilipinas sa kasagsagan ng isinasagawang crackdown ng Saudi authorities laban sa illegal foreign workers.

Pinapayuhan ng Embahada at Konsulado Heneral ng Pilipinas sa Jeddah ang mga OFWs na kasalukuyang pinoproseso na ang kanilang mga travel documents at final exit visa na maging kalmado at huwag mag-panic.

Naging tensyonado ang mga OFWs lalo na ang mga nasa Tent City sa tapat ng Konsulado dahil sa takot na sila at dakpin sa kasagsagan ng ginagawang matinding crackdown ng Saudi authorities laban sa mga illegal foreign workers bilang bahagi ng ipinatutupad na Saudization policy.

Inabisuhan na rin ang mga libu-libong Pinoy sa Saudi na i-familiarize ang mga bagong patakaran na pinaiiral ngayon ng Saudi hinggil sa mga ilegal na mga manggagawa at kanilang employers na inaaplay sa mga mahuhuli sa crackdown.

Nabatid na umaabot sa 16,000 foreign migrant workers ang naaresto at nakakulong simula nang umpisahan ang paghuli sa mga illegal workers sa kingdom nitong Lunes matapos ang pagtatapos ng correction deadline noong Nob. 3 para sa mga work at residency status ng mga dayuhang manggagawa.

 

Show comments