P100-M droga nasamsam sa Zambo airport

MANILA, Philippines - Nasamsam ng mga awtoridad ang 20-kilo ng  droga na nagkakalahaga ng P100-milyon sa isinagawang operas­yon sa International Airport ng Zamboanga City nitong Biyernes ng umaga.

Sinabi ni Chief Inspector Ariel Huesca, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 9, bandang alas-7:00 ng umaga ng makumpiska ng mga operatiba ng 89th Police Civil Aviation Security, Regional Intelligence Division 9, Zamboanga City Police, Criminal Investigation and Detection Group at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasabing bulto ng metamphetamine hydrochloride o shabu.

Ang 20 kilo ng shabu ay nasa bagahe ng isang Mohammad Daud at Salim Sabtari na  pawang residente ng Bongao, Tawi-Tawi.

Nakabalot ang shabu sa karton ng gatas ng Alaska na may tatak na 150 gramo bawat isa na pinaglayan nito upang hindi mapansin ng mga awtoridad.

Sinabi ni Huesca, ang mga suspek ay patungo sa Bongao, Tawi-Tawi lulan ng Cebu Pacific  na dumating sa paliparan ng Zamboanga City galing sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Agad namang dinakip ng mga awtoridad ang mga suspek na hindi na nakapalag sa mga awtoridad.

Show comments