‘Magsyota’ dedo sa bundol

MANILA, Philippines - Kapwa dead-on-arri­val sa Pasay City General Hospital ang isa umanong magkasintahan matapos ang sinasakyan nilang motorsiklo ay sumalpok sa isang AUV kahapon ng madaling-araw sa Roxas Boulevard, Pasay City.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Alfie Paciente Castañeda, 25, ng no. 2494 Tramo St., Brgy.64 Zone 8, Pasay City; at Rachelle Reyes Antonio, 24, ng no. 18 Old Sauyo Road, Silvina Village, Brgy. Talipapa, Novaliches, Quezon City.

Batay sa ulat, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa north bound lane ng Roxas Blvd., tapat ng Asean Institute of Maritime Studies.

Nabatid na mabilis umanong binabagtas ng dalawang biktima lulan ng isang Honda Super Four 400cc motorcycle (TT-6465) ang kahabaan ng Roxas Boulevard nang sumalpok sa likurang bahagi ng Tamaraw AUV (DPY-633) na minamaneho naman ni Ronald Jose Vinalon, ng P. Villanueva St., Pasay City.

Sa lakas nang pagkakasalpok ay humampas ang ulo ni Castañeda sa likuran ng AUV habang nalaglag naman ang angkas na si Antonio at nakaladkad ng may isang metro. 

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente upang mabatid kung may pananagutan si Vinalon.

Show comments