Drug dealer tiklo sa P25-M buy bust

MANILA, Philippines - Isang pinaghihinalaang big time drug dealer ang nadakip kahapon nang pinagsanib na elemento ng PNP-Anti Illegal Drug Special Operation Task Force (PNP-AIDSOTF)  at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)  sa isang drug bust operation sa Makati City at nasamsam ang  P25-M halaga ng shabu.

Ang suspek ay kinila­lang si  Joel Maglare, 47, tubong Sorsogon at naninirahan sa Griate St., Brgy. Hulo, Mandaluyong City.

Batay sa ulat, dakong alas-12:30 ng tanghali nang maglunsad ng buybust o­peration ang mga opera­tiba sa Rapide Auto Service, Chino Roces A­venue, Brgy. Pio del Pilar sa lungsod.

Bago ito ay nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad hinggil sa illegal na pagtutulak ng droga ng suspek at nang magpositibo ang impormasyon ay isinagawa ang drug bust operation na ikinaaresto ng suspek.

Nasamsam mula kay Maglare ang 5 kilo  ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nagkakahalaga ng P25-M, isang kulay asul na  Nissan Sentra (ZLE 805) na gamit nito sa illegal na transaksyon at boodle money  na nagkakahalaga naman ng P1.2-M na ipinanlansi sa drug deal ng poseur buyer ng mga otoridad.

Ang suspek ay hinihinalang supplier ng shabu sa mga kilalang personalidad sa lungsod.

Show comments