5 bata natabunan ng lupa
MANILA, Philippines - Natabunan ng lupa mula sa gumuhong bundok ang limang bata habang naliligo ang mga ito sa isang falls sa kasagsagan ng 7.2 magnitude ng lindol na tumama sa Sagbayan, Bohol.
Ayon kay Sr. Supt. Erwin Pagcalinawan, Chief ng Community Affairs and Development Division ng Police Community Relations na naiulat lang kahapon ang insidente dahil sa ‘isolated’ ang lugar at malayo ito sa Tagbilaran City, ang kapitolyo ng Bohol.
Nabatid na ang limang biktima ay naliligo sa waterfalls sa magubat na bahagi ng Sagbayan nang biglang lumindol ng 7.2 magnitude.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Jhonalyn, 13 at kapatid na si Joellene Socorro,11; Jess Marvin, 10; at kapatid na si Meme Jane Empenado, 9; at Reynaldo Sipsip, 15, na pinangangambahan na nalibing nang buhay sa tindi ng pinsalang inabot ng nasabing talon na nabura sa lugar nang matabunan ng gumuhong bundok.
Una ng tinukoy ni PHIVOLCS Director Renato Solidum na ang Carmen, Bohol ang epicenter ng lindol subalit, sa pagsusuri ay nilinaw nitong Huwebes na sa bayan ng Sagbayan na isa sa matinding napinsala ang sentro ng tinamaan na nag-iwan ng malaking pinsala sa Central Visayas partikular na sa Cebu at Bohol.
Sa lakas ng lindol na tumama sa Sagbayan ay halos kalahati ng bundok at malalaking tipak na bato ang tumabon sa talon kung saan bigo pa ring matagpuan ang limang bata.
Umaasa ang pamilya ng mga biktima na matagpuan pa ang mga ito.
- Latest