MANILA, Philippines - Nagsilbing huling lagok ng mainit na kape ng isang parking attendant na binaril sa ulo’t dibdib at nasawi habang umiinon ng kape sa Binondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Ang biktima na idineklarang dead-on-arrival sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ay kinilalang si Albert Monteroso, binata, ng Gate 46, Parola compound, Binondo.
Isang ‘Joed Zanues’ , tinatayang 30-35 anyos, residente ng Area C, Parola compound, ang sinasabing nakitang bumaril sa biktima.
Sa ulat ni SPO2 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, nabatid na dakong alas-5:00 ng madaling araw ay nakaupo sa nakaparadang tricycle sa Gate 46 ng Parola compound, ang biktima at sinimulang higupin ang inorder na kape nang lapitan siya ng suspek at pinaputukan ng malapitan.
Hindi pa batid ng pulisya ang motibo ng krimen habang ang tumakas na suspek ay pinaghahanap na.
Sa ngayon ay nagsasagawa ng manhunt operation ang mga tauhan ng Manila Police District para madakip at makasuhan ang tumakas na salarin sa nasabing insidente.