Sa ika-6 na araw na bakbakan… 52 patay, 70 sugatan sa Zambo siege

MANILA, Philippines - Nasa 52 katao na ang naitatalang namamatay habang nasa 70 naman ang sugatan sa patuloy na bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng Moro National Libe­ration Front (MNLF) breakaway group sa Zam­boanga City na nasa ika-6 na araw na kahapon.

Inihayag ni AFP Public Affairs Office (AFP-PAO) Chief Lt. Col. Ramon Za­gala  II, kabilang sa mga nasawi ay tatlong sundalo, tatlong pulis, apat na sibilyan at 42 MNLF rouge elements na nag-umpisa noong Lunes matapos na salakayin ng  may 300 MNLF rogue elements ang ilang mga barangay sa baybaying dagat sa nasabing lungsod.

Naitala naman sa 70 ang nasugatan kabilang ang 35 sundalo, anim na pulis, 20 sibilyan at 9 rouge MNLF habang 19 sa mga kalaban ang nagsisuko at naaresto.

Kahapon ay muling nag­karoon ng bakbakan sa Brgy. Kasangyangan ng lungsod dakong ala-1:04 ng madaling-araw sa pagitan ng Marine Battalion Landing team 3 at rogue MNLF na ikinasawi ng isang sundalo at lima pa ang nasugatan.

Apat naman sa panig ng mga kalaban ang na­­paslang habang naka­re­kober ng isang M60 machine gun at isang ar­malite rifle.

Bandang alas-3:30 naman ng mada­ling-araw ng mu­ling mag­bak­bakan sa KGK building sa nasabing lugar.

Tinatayang nasa mahigit pang 100 sibilyan ang hostage ng MNLF na ginagawang “human shield” laban sa tropang gobyerno sa mga apektadong barangay sa lungsod kabilang ang Sta. Barbara, Sta. Catalina, Mampang, Rio Hondo at Talon-Talon.

Nanawagan naman si AFP sa hanay ng iba pang mga sibilyang residente na lisanin ang “danger zone” upang hindi makasama na maging collateral damage sa nagaganap na krisis.

Samantala, nasa mahi­git 62,000 ang mga residenteng nagsilikas bunga ng bakbakan.

Sa ulat na ipinarating kahapon ng Office of Civil Defense Region 9 at Department of Social Welfare  and Development (DSWD) Action Center sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga nagsilikas na residente ay kasaluku­yang kinakanlong sa 20 evacuation center.

Nabatid na gumaga­mit ng M203 rifle grenade launchers ang rouge MNLF sa Brgy.Sta Catalina bunsod upang muling maghari ang sindak sa hanay ng mga re­si­dente ng lungsod.

 

Show comments