MANILA, Philippines -Narekober na ang bangkay ng tatlong estudyante ng Adventist University of the Philippines (AUP) na nalunod sa trahedya sa camping sa Cavite matapos na anurin ng agos hanggang mapadpad sa San Cristobal Lake, Brgy. Looc, Calamba City, Laguna kamakalawa ng umaga.
Unang natagpuan ang dalawang biktima na sina Kimberly Kardias, 19 at Katherine Taroquin, 21; pawang nanunuluyan sa AUP Dormitory sa Silang, Cavite dakong alas-9:00 ng umaga sa nasabing lawa ng mangingisdang si Ernesto Manguiat, 57, ng Brgy. Looc ng lungsod.
Positibong kinilala ang mga biktima ni Mr. Rogelio Barit, Assistant Security Supervisor ng AUP.
Sumunod namang natagpuan ang bangkay ng isa pa na si Alfey Saberon, 16, habang inaanod ng malakas na agos sa San Cristobal River, Brgy. San Cristobal ng lungsod na ito dakong alas-10:30 ng umaga.
Nabatid na ang mga biktima ay kasama sa grupo ng mga estudyante na nagkakasayahan sa camping sa ilog sa Silang, Cavite nang biglang tumaas ang tubig at tangayin ang mga ito ng malakas na agos noong Agosto 25.