MANILA, Philippines - Nasawi ang tatlong rebeldeng New People’s Army (NPA) habang isa namang sundalo ang nasugatan nang makasagupa ang tropa ng militar kahapon ng umaga sa bayan ng Doña Remedios Trinidad, Bulacan.
Sa ulat ni Capt. Mark Anthony Ruelos, spokesman ng Army’s 7th Infantry Division, bandang alas-6:00 ng umaga nang makasagupa ng mga eleÂmento ng Army’s 48th Infantry Battalion (IB) ang grupo ng mga rebelde sa Brgy. Kabayunan ng nasabing bayan.
Agad nagkaroon ng putukan sa pagitan ng magÂkabilang panig na tumagal ng mahigit sampung minuto na ikinasawi ng tatlong rebelde matapos na inabandona ng mga nagsitakas nilang kasamahan.
Narekober rin sa lugar ang isang M16 rifle na pag-aari ng isa sa mga napatay na rebelde.
Ang nasugatang sundalo na may ranggong Private First Class ay mabilis na isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas.
Nabatid na nakatanggap ng report ang militar hinggil sa pangingikil ng revolutionary tax ng grupo ng nasa 12 mga armadong rebelde kaya’t agad nagresponde ang mga sundalo sa lugar.
Samantala, nadakip naman sa isang operasyon kamakalawa sa lalawigan ng Quezon ang dalawang mataas na lider ng mga rebeldeng NPA sa Bondoc Peninsula na kinilalang sina ng Juanito dela Peña alyas Ka Jacko at Joel Peros alyas Ka Reyman, 35-anyos.
Nabatid na ang dalawa ay magkakasunod na nasakote nitong nakalipas na dalawang araw matapos matunton ng security forces ang kanilang pinagtataguan.
Unang naaresto si Ka Jacko sa San Francisco, Quezon sa bisa ng warrant of arrest sa kasong attempted murder na inisyu ng Regional Trial Court Branch 62 sa Gumaca, Quezon.
Sumunod namang nasakote ng 74th Infantry Battalion si Ka Reyman, na nahaharap rin sa kasong attempted murder sa parehong korte sa follow-up operation kamakalawa sa San Andres, Quezon.