MANILA, Philippines - Dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment opeÂration sa isang establisimyento sa Quezon City ang isang prosecutor ng Department of Justice (DOJ) matapos na isumbong ng mga miyembro ng Philippine Airlines Employees Association (PALEA).
Ang suspek ay kinilalang si Assistant State Prosecutor Diosdado Solidum Jr., makaraang ireklamo ng PALEA kaugnay ng diumano’y paghingi ng huli ng malaking halaga kapalit ng pagbasura sa kanilang kaso.
Nabatid na nakabinÂbin sa DOJ ang inihaing petition for review ng mahigit 200 PALEA members na nauna nang inirekomendang masampahan ng kasong paglabag sa Civil Aviation Authority Act of 2008 ng Pasay City Prosecutors Office.
Ang mga PALEA members na nagpoprotesta sa pagkakatanggal nila sa trabaho ay nahaharap sa paglabag sa section 81 na nagbabawal sa sinuman sa pagwasak o pagdulot ng pinsala sa alinmang pasilidad o serbisyo ng paliparan.
Nabatid pa na nakaÂtakdang sumalang si Solidum sa inquest proceedings sa Ombudsman.
Sinabi naman ni Justice Secretary Leila de Lima na hindi siya titigil sa kampanya kontra sa mga scalawag sa hanay ng DOJ lalo’t prayoridad niya ang zero corruption sa kagawaran.