Lolo na galing sa lamay, pinatay

MANILA, Philippines - Hindi sukat akalain ng isang 65-anyos na lolo na ang pagtawa niya  habang nagpapaalam sa burol ng isang kakilala ang magiging dahilan ng kanyang kamatayan matapos na siya ay saksakin ng isang lalaki naganap kamakalawa ng gabi sa Paco, Maynila.

Ang nasawi ay kinilalang si Danilo Peliño, residente ng no. 1208 Santiago St., Paco, Maynila.

Ang suspek na tumakas ay kinilalang si Robert Pangilinan alyas “Bukol”, 37, ng Block 19, Lot11, Bayan ni Juan, Calauan, Laguna. Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-6:30 ng gabi ay nagpaalam sa lamay ang biktima at nagkatawanan ito ng isang kasama na ikinagalit ng suspek na dayo lang sa lugar sa pag-aakalang siya ang pinagtatawanan ng biktima.

Habang naglalakad ang biktima ay hindi nito alam na sinusundan siya ng suspek at nang makatiyempo ay hinawakan ang ulo ng biktima at itinulak sa nakaparadang motorsiklo at nang tumumba ay inundayan nang sunud-sunod na saksak. Nadala pa sa Philippine General Hospital ang biktima, subalit namatay ito dakong alas-7:30 ng gabi.

Show comments