Pulis na nagpanggap na taga-CHR sa burol ng Ozamis lider arestado

MANILA, Philippines - Isang pulis na nag­panggap na miyembro ng Commission on Human Rights (CHR) at nag­tu­ngo sa burol ng napa­tay na Ozamis lider na si Ricky Cadavero sa Mun­tin­lupa ang inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation matapos humingi ng cell phone number ng ina ni Cadavero at kapatid nito.

Nakatakdang sampa­han ng kasong usurpation of authority ang suspek na si PO3 Richard Ecleo Ebrada, nakatalaga sa counter-intelligence ng Philippine National Police (PNP).

Sa salaysay ni Rosa­linda, kapatid ni Ricky, nagtungo si PO3 Ebra­da noong Biyernes ng gabi sa burol sa may  Eastern Funeral Parlor, Barangay Alabang, Muntinlupa City upang makausap ang kanyang ina na si Gng. Luzviminda, ngunit tinanggihan  ito dahil wala ng boses.

Kung kaya’t si Rosa­linda ang humarap kay PO3 Ebrada at nagpa­ki­lalang taga-CHR, na ipinagtaka nito dahil nan­dun sa burol ang mga taga-CHR.’

Kung kaya’t hiningan nila ng ID o anumang pag­kakakilanlan ang pulis ngunit wala itong maipa­kita at kahina-hinala rin ang paghingi ng contact number ng pamilya ga­yong hindi pa siya nagpa­pakilala dahilan para ito ay arestuhin ng NBI.

 Napag-alaman na inu­tusan umano si PO3 Ebrada ng kanyang hepe na kunin ang mga numero ng kaanak ni Cadavero dahil gusto nilang malaman kung sinu-sinong pulis ang sangkot sa paratang ng pamilya nito.

Nangangamba ang pamilya Cadavero sa ka­nilang buhay, kung kaya’t hiniling nila kay Jus­tice Sec. Leila De Lima na hig­pitan pa ang kani­lang seguridad upang matukoy ang mga opisyal ng PNP na nakikinabang sa Ozamis gang.

Kahapon ng alas-2:00 ng madaling-araw ay iniuwi na sa General San­tos ang labi ni Cada­vero, subalit wala pang petsa ang araw ng libing nito.

 

Show comments