Lalaki na may mga pending cases, tinodas

MANILA, Philippines -Pinagbabaril ang isang lalaki na may mga kasong bigong pagpatay at pagnanakaw habang ito ay naglalaro ng video karera kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Ang biktima na namatay habang nilalapatan ng lunas sa San Juan De Dios Hospital dahil sa tinamong mga tama ng bala ng kalibre .45 baril ay si Nemencio Matutino, 34-anyos, alyas “Tugis”, ng Block 6, Lot 7, Saint Francis St., Brgy. Maricaban ng lungsod.

Batay sa ulat, dakong alas-12:30 ng madaling-araw ay nagsusugal sa video karera ang biktima sa may Saint Francis St., nang ito ay lapitan ng isang lalaki at sunud-sunod na pinagbabaril.

Isang saksi ang nagpahayag sa pulisya na posibleng kakilala ng biktima ang suspek dahil sa nagsalita pa ito ng “Jo, huwag…,” bago ito pinagbabaril.

Ayon naman sa live-in partner ng biktima na si Leticia Sandoval, 37, na sangkot sa mga ilegal na aktibidades ang biktima partikular ang pagbebenta umano ng ilegal na droga kaya’t posibleng ito umano ang motibo sa pamamaslang.

Nabatid na may “war­rant of arrest” ding kina­kaharap ang suspek na inilabas ng Pasay City Regional Trial Court ukol sa kasong frustrated murder at may kinakaharap din itong kaso ng pagna­nakaw.

 

Show comments