MANILA, Philippines - Isang ginang ang ipinasyang tapusin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili ilang minuto matapos na saktan nito ang kanyang walong taong gulang na anak na lalaki sa loob ng kanilang bahay sa Quezon City, kamakalawa ng hapon.
Ang biktima ay kinilalang si Marvelina Escandor, 45, vendor, naninirahan sa apartment #153 Sitio Pajo, Brgy. Baesa sa lungsod.
Ayon kay SPO1 Eric Lazo, may-hawak ng kaso, si Escandor ay nadiskubre ng isang Ricardo Arnaiz, ganap na ala-1:20 kamakalawa ng hapon.
Nakaistambay umano si Arnaiz sa lugar nang marinig niya ang walong taong gulang na anak ng biktima na umiiyak sa loob at humihingi ng tulong.
Kumatok si Arnaiz sa pinto ng bahay ng biktima pero sa kabila ng paulit ulit na katok ay hindi ito sumasagot kaya humingi ng tulong sa iba pang kaÂpitbahay at puwersahang binuksan ang pinto.
Nang makapasok sa loob ng bahay ay nadiskubre ang walang buhay na biktima habang nakabitin sa kisame ng kanilang bahay gamit ang cable wire.