Nanalong lotto tiket ng guro ninakaw ng teller

MANILA, Philippines -Pera na naging bato pa.

Ganito isinalarawan ng isang 56-anyos na guro ang nangyari sa kanyang lotto ticket na nanalo ng P43M jackpot matapos na umano’y pag-interesan na nakawin ng isang lotto teller sa Bontoc, Mountain Province.

Nagsampa ng reklamo sa himpilan ng Bontoc Municipal Police Station (MPS) ang gurong si Christina Cocoy, may-asawa at residente ng Tocucan, Bontoc, Mountain Province laban kay Jane Santos, 28-anyos, teller sa lotto outlet.

Batay sa ulat, nasabing 6/42 winning ticket ay binili ni Cocoy sa lotto outlet sa isang Commercial Building, Poblacion, Bontoc kamakailan.

Halos maglulukso si Cocoy sa tuwa ng mapa­nood sa telebisyon na nag­­wagi ng P43M ang kumbinasyon ng numero na kaniyang tina­yaan sa biniling lotto ticket.

Nagtungo naman ka­agad sa nasabing lotto outlet na kaniyang binilhan ng ticket ang guro at iniaabot sa nasabing teller upang iberipika ang kaniyang ticket na kinumpirma naman nitong nagwagi ng P43M.

Gayunman, kailangang sa main office sa Metro Manila dapat i-claim ang panalo ayon na rin sa teller kung saan iniabot nito ang isang lotto ticket sa guro na nag­mamadaling umalis sa lugar.

Nabatid na nagdelihensya pa ng pamasahe ang nasabing guro para bumiyahe patungong Metro Manila para makuha ang kaniyang napanalunan sa lotto sa punong tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Laking panlulumo naman ng nasabing guro ng suriin at iberepika ang nasabing ticket ay negatibo at napag-alamang hindi ito ang winning combination sa nagwagi ng jackpot na P43M kung saan sinabi nito na hindi umano niya napansin na napalitan ng ibang ticket ang ibinalik sa kaniya ng nasabing teller.

Galit namang kinom­pronta ng guro ang teller na itinanggi namang pinalitan niya ang winning ticket. Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.

Show comments