2 holdaper ng jeep napatay

MANILA, Philippines - Napatay sa isang shootout ang dalawa sa tatlong nangholdap sa isang pampasaherong jeep kamakalawa sa E. Rodriguez Ave­nue kanto ng Gilmore Ave­nue, Brgy. Marina, New Manila, Quezon City.

Inilarawan ng pulisya ang isang suspek na nakasuot ng kulay gray na short at itim na t-shirt, moreno, nasa edad 35-40, kalbo; habang ang isa naman ay nasa pagitan ng edad na 30-35, nakasuot ng kulay asul na t-shirt at naka-short pants. Habang nakatakas naman ang isang kasama nito.

Batay sa ulat, bago nangyari ang holdapan dakong alas-10:18 ng gabi sa nasabing lugar ay sumakay ang tatlong suspek sa isang pampasaherong jeep na minamaneho ng isang Roberto Alba, Jr., 31, sa may E. Rodriguez Sr., kanto ng Broadway Avenue at nagkunwaring mga pasahero.

Ilang minuto pa lamang tumatakbo ang jeep ay nagdeklara ang mga suspek nang holdap gamit ang dalawang baril.

Habang nililimas ng mga suspek ang gamit ng mga pasahero, ay napuna ng mga nagpapatrulyang police mobile patrol kung kaya’t sinundan ang jeep.

Nang bumaba ang mga suspek sa harap ng Seneca Plaza Bldg., sa no. 1152 E. Rodriguez Sr., Blvd., ay lumapit ang mga pulis at pinasusuko ang mga una.

Subalit sa halip na sumuko ay pinaputukan umano ng mga suspek ang mga pulis sanhi para gumanti ng putok at napatay ang dalawa habang nakatakas ang isa.

 

Show comments