Ginang na dinukot… Bangkay na ng marekober

MANILA, Philippines - Patay na ng marekober ang isang 53-anyos na ginang na miyembro ng Brgy. Health Worker matapos na ito’y dukutin sa kanyang bahay noong June 9, 2013 sa Brgy. Kauswagan, Loreto, Agusan del Sur.

Sa ulat kahapon ni Police Supt. Martin M. Gamba, Regional Public Infor­mation Officer ng PRO-13, nabatid na ang bangkay ni Lina Bacus ay natagpuan sa bulubunduking lugar sa nasabing barangay, tatlong kilometro ang layo mula sa bahay nito ganap na alas-10:00 ng umaga.

Lumilitaw sa pagsisiyasat ng awtoridad na  June 9, ganap na alas-6:00 ng gabi nang dukutin ng dalawang armadong lalaki ang biktima sa loob ng kanyang bahay habang ito ay nanonood ng telebisyon.

Matapos nito, hindi na nakita ang biktima, hanggang sa nitong June 11, ay ipinagbigay alam sa pa­mil­ya ang pagkakakita sa kanya na isa nang malamig na bangkay.

Patuloy ang imbestigas­yon ng Loreto police upang matukoy ang tunay na motibo ng pagdukot sa ginang at pagkakakilanlan ng mga suspek.

Show comments