2 nasapol ng kidlat

MANILA, Philippines -Dead on the spot ang dalawang katao habang dalawa pa ang malubhang nasugatan matapos na tamaan ng kidlat ang dalawang magkatabing bahay kamakalawa ng hapon sa La Castellana, Negros Occidental.

Ang mga nasawi dahil sa mga natamong sugat sa katawan ay kinilalang sina Remegio Javier, 60-anyos at Carlo Delgado,16-anyos ng Hacienda Angelita, Sitio Langka, Brgy. Camandag ng bayang ito.

Nilalapatan naman ng lunas sa pagamutan ang dalawang sugatan na sina Alfie, 9-anyos na anak na lalaki ni Javier at Rolly Delgado, may-ari naman ng isa pang bahay na tinamaan ng kidlat.

Sa ulat, bandang alas-5:30 ng hapon nitong Lunes nang bigla na lamang kumidlat na tumama sa dalawang nasabing bahay sa lugar na kung saan ay kasalukuyan nagsasaing si Javier habang sina Carlo at Alfie naman ay nasa bahay ni Rolly.

Nabatid pa na ang pagkidlat sa lugar ay sa gitna na rin ng nararanasang mga pagbuhos ng ulan na dulot ng Inter Tropical Convergence Zone sa ilang bahagi ng bansa.

Show comments