Dalagita tinangay ng agos sa ilog

MANILA, Philippines - Isang 11-anyos na babae ang nalunod matapos na tangayin ng malakas na agos habang tumatawid sa ilog kamakalawa sa Brgy. Lihan, Jose Dalman, Zamboanga del Norte.

Ang biktima ay nakilalang si Maria Jea Esolana, residente ng nasabing lugar na ang bangkay ay lumutang matapos  ang isang oras na nawala nang matangay ng agos.

Batay sa ulat, bandang alas-3:00 ng hapon  nang magpaalam ang biktima sa ina nito na mauuna nang uuwi sa kanilang bahay  matapos  na bumisita ang mag-ina sa isa nilang kamag-anak.

Pinayagan naman ng ina ang anak na umuwi na kasama ang pinsan nitong 10-anyos na tinukoy lamang sa pangalang Junellsidas pero habang sa daan ay inabutan ang magpinsan ng malakas na ulan.

Kasalukuyang tumatawid sa ilog ang magpinsan nang biglang maisipan ng biktima na mamulot muna ng mga niyog na tinatangay ng agos habang naghihintay sa kabilang pampang  si Junellsidas.

Gayunman, biglang nilamon ng malakas na agos ang biktima  matapos na biglang bumaha habang nagtatakbo naman ang pinsan nito para humingi ng tulong.

Nabigo ang search and rescue team na mai­ligtas ang biktima na tuluyang nilamon ng ma­lakas na agos at bandang alas-4:00 ng hapon nang marekober ang bangkay nito.

 

Show comments