Pagkuha ng mga bagong pulis mas hihigpitan

MANILA, Philippines - Upang huwag nang du­mami pa ang bilang ng mga bugok na pulis na na­sasangkot sa korapsyon at kasong kriminal ay mas pa­hihigpitin ngayon ng Na­tional Capital Regional Police Office (NCRPO) ang aplikasyon ngayong taon para sa mga nais na maging pulis.

Pinaalalahanan ni NC­RPO Director Leonardo Espina ang mga aplikante na tanging mga matitino lamang at may puso para sa tapat na paglilingkod ang kailangan ng Philippine National Police (PNP) at hindi iyong may ambisyon lamang para magkaroon ng kapangyarihan para mang-abuso ng kapwa.

Sa umiiral na polisiya, kailangan ang aplikante ay isang Filipino citizen, may edad 21 hanggang 30-anyos, may hawak na Bachelor’s Degree sa kolehiyo at may “good moral character”.

Kailangan ding pumasa ang mga aplikante sa pag­su­sulit na ibinibigay ng National Police Commission (Napolcom), Professional Regulatory Commission (PRC), o ng Civil Service Commission (CSC).

Nararapat din na hindi ito naging “dishonorably discharged” sa serbisyo sa military o naidismis sa tra­baho sa anumang ahen­sya ng pamahalaan, wa­lang naka-pending na ka­song kriminal, at hindi nasentensyahan sa anumang kasong kriminal.

Ang mga kuwalipika­dong aplikante ay kailangang maghanda ng isang file folder kung saan nakalagay ang pirmadong CSC Form 212, birth certificate (NSO), ulat ng mga kinuhang “eli­gibility”, transcript sa mga pinasukang paaralan, diploma, Barangay, Police, court at NBI clearances, at isumite sa Recruitment and Selection Section (RSS) ng Regional Personnel and Records Management Division sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.

Pinaalalahanan naman ni Espina ang RSS na ma­higpit na salain ang mga aplikasyon upang makatiyak na hindi malulusutan ng mga bugok na nais maging pulis.

Kapag napili na, daraan ang mga aplikante sa Neuro-Psychiatric Exam, Physical Agility Test, Physical/Me­dical/Dental Exam, at Final Board Interview (FBI) na isasagawa ng chairman ng screening committee, ilang NCRPO Key Officers at ki­na­tawan ng ilang non-go­vernment organizations.

 

Show comments