Pangulo ng homeowners utas sa nakamotorsiklo

MANILA, Philippines - Namatay habang nilalapatan ng lunas ang isang ginang na pangulo ng homeowners association nang ito ay pagbabarilin ng mga suspek na nakamotorsiklo kamakalawa ng hapon sa Quezon City.

Ang nasawi ay kinilalang si Delfina Macapagal, 56, may-asawa, pangulo ng Kamagong-Kasoy Homeowners Association. Nagtamo ito ng mga tama ng bala sa ulo.

Batay sa ulat, pasado alas-4:00 ng hapon ay nasa bakuran ang biktima nang ito ay pagbabarilin ng dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo.

Sumisigaw ang mga suspek na pulis sila upang hindi sila matingnan ng mga residente na nakasaksi sa krimen.

Inaalam pa ng mga otoridad kung ano ang motibo ng pamamaslang sa ginang.

Show comments