Kinidnap bago pinagbabaril… 2 rebel returnees pinaslang

MANILA, Philippines -Mistulang firing squad ang na­ging sentensiya sa dalawang dating rebeldeng New People’s Army (NPA) na sumuko sa pamahalaan nang sila ay dukutin bago pinagba­baril ng mga dati nilang kasama sa kilusan na naganap sa Bislig City, Surigao del Sur.

Batay sa ulat, bandang alas-4:00 ng hapon noong Lunes nang matagpuan ang bangkay ng mga biktima na sina Julieto Pilong alyas Dimple Cocoy at Rodel Garcia alyas Brital sa Sitio Blue Tent, Purok 12, Brgy. Bayugan 3, Rosario, Agusan del Sur na pawang tadtad ng mga tama ng bala sa katawan.

Sa imbestigasyon ang mga biktima ay kinidnap ng 15 kalalakihan na pawang armado ng AK 47 at M16 rifle sa pa­mumuno ni Renato Sayasat alyas Friday na mga dating kasamahan sa SECOM 14 ng North Eastern Mindanao Regional Committee sa Bislig City noong Marso 23 dakong alas-9:40 ng gabi.

Nabatid na ang mga biktima ay nagkakasiyahan sa bahay ni Purok 12 Chairman Yurie Eupe­nia nang dukutin at ka­lad­karin ng mga dating kasamahan.

Ang mga ito ay dinala sa kabundukan ng Rosario, Agusan del Sur kung saan tinorture ang mga ito saka binistay ng bala.

Ang mga biktima ay tumiwalag sa kilusang komunista sa paghahangad na magbagumbuhay. 

Kinondena naman ni Lt. Col. Danilo Benavides, Commanding Officer ng 75th Infantry Battalion (IB) ang isinagawang ‘extra judicial killing’ ng mga rebelde sa dalawang biktima na ang tanging ha­ngad ay makapagbagumbuhay.

 

Show comments