Truck sumirko: 2 todas

MANILA, Philippines - Dalawang pahinante ang nasawi habang dalawa pa ang malubhang nasugatan matapos sumirko ang sinasakyan nilang 6 wheeler truck sa kahabaan ng highway ng Malay, Aklan kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang mga nasawi na sina Jaylord dela Torre, 22 at Salmero Bernel, 33  pawang  residente ng Nabas, Aklan.

Agad na nasawi ang dalawa dahil sa pagkaipit at nadaganan pa ng kahon-kahon ng mga alak na karga ng nasabing truck.

Isinugod naman sa Ibajay District Hospital ang driver ng truck na si Florencio Baflor, 33 anyos at isa pang pahinante na hindi natukoy ang pangalan.

Sa ulat ng Aklan Police, bandang alas-3:00 ng hapon ng maganap ang sakuna sa highway ng bayan ng Malay habang ang nasabing truck ay magde-deliver sana ng mga paninda nitong mga alak sa lugar.

 

Show comments