MANILA, Philippines - Inilibing na kahapon sa Manila North CeÂmetery ang iskolar ng bayan na nagpatiwakal matapos hindi makapagbayad ng matrikula na si Kristel Pilar Mariz Tejada.
Halos isang linggo rin ang ginawang pagluluksa ng mga mahal sa buhay ni Kristel at ng kanyang mga kaklase sa University of the Philippines-Manila.
Dakong alas-2:00 ng hapon nang ihatid ng kanyang mga magulang, kapatid, mga kaibigan, mga propesor at kaeskuwela si Kristel sa Manila North Cemetery sa Sta. Cruz, Maynila.
Ilang oras bago ihimlay si Kristel sa kanyang huling hantungan sa SeÂmenteryo del Norte ay nangako si UP President Alfredo Pascual na gaÂgawa ng paraan upang makapagpatupad ng mga pagbabago upang mareÂsolba ang mga isyung pinaniniwalaang ugat ng pagpapakamatay ng dalaga.
Matatandaang noong madaling-araw ng Marso 15 ay nagpakamatay si Kristel matapos obligaÂhing magsumite ng leave of absence dahil sa kawalan ng kakayanan na magbayad ng matrikula.
Dahil sa naturang insidente, sumiklab ang galit ng publiko lalo na mula sa panig ng mga estudyante, cause-oriented groups at iba pang sector.
Naging dahilan din ito upang alisin ng UP ang kanilang panuntunan kaugnay sa nababalam na pagbabayad ng tuition fee ng kanilang estudyante.
Kasabay ng kanyang pakikiramay sa pamilyang Tejada, tiniyak ng UP president na ang mga kuwalipikadong estudyante ng state university ay hindi mapagkakaitan ng pagkakataon upang makapagpatuloy ng pag-aaral lalo na kung ang dahilan laman ay ang pinansiyal.
Lubha aniya silang nalungkot sa untimely death ni Kristel na tinatanggap din niya na malaking dahilan ngayon ng kanilang pagkakawatak-watak.
Nakikiisa aniya siya sa pagdadalamhati ng mga guro sa UP, mga estudÂyante, kamag-anak at mga kaibigan ni Kristel.