Pero tinanggihan ng Malaysia… Kiram nagdeklara ng ceasefire

MANILA, Philippines - Upang matigil na ang pagdanak ng dugo sa Sabah, nagdeklara kahapon si Sulu Sultan Jamalul Kiram II ng “unilateral ceasefire” ngunit iginiit na mananatili doon ang kanyang mga tauhan na miyembro ng Sulu Royal Army.

Sinabi ni Abraham Idjirani, tagapagsalita ng Sultan, na epektibo ang tigil-putukan dakong alas-12:30 kahapon ng tanghali na nangangahulugan hindi na aatake sa Malaysian Forces ang kapatid ni Kiram na si Raja Muda Agbimuddin Kiram.

Umaasa umano ang Sultan na susunod rin dito ang Malaysia government na magdeklara rin ng sariling ceasefire upang hindi na lumala pa ang karahasan.

Sinabi ni Raja Muda na kinunsidera ng Sultan na hindi maikukumpara ang nakamit nila sa Sabah sa kahalagahan ng mga buhay na nasa sa tinawag nilang “March 1 Friday massacre”.

Tugon rin umano ito ng Sultan sa panawagan ni United Nations Secretary-General Ban Ki-Moon na wakasan na ang karahasan sa Sabah. Pinahahalagan umano nila ang paha­yag ng UN na palagi na nilang katalastasan sa loob ng mahabang panahon ukol sa pag-angkin nila sa Sabah. Umaasa sila na pahahalagahan rin ng Malaysia ang panawagan ng UN.

Samantala, tinanggi­han ni Malaysia Defense Minister Ahmad Zahid Hamidi ang hininging unilateral ceasefire ni Kiram maliban na ang mga Royal Army nito ay sumuko muna at walang hihinging kondisyon.

“A unilateral cease­fire is not accepted by Ma­laysia unless the mi­li­tants surrender uncondi­tio­nally,” pahayag ni Hamidi sa kanyang Twitter feed.

Nasa 28 katao na ang nasasawi sa nasa­bing kaguluhan na kina­bibilangan ng 20 tauhan ni Kiram at 8 Malaysian police simula nang mag­simula ang standoff ma­higit tatlong linggo na ang nakakalipas. Idinagdag pa ni Ha­midi:” Don’t believe the ceasefire offer by Jamalul Kiram.

In the interest of Sabahans and all Malay­sians, wipe out all the mi­litants first.”

 

Show comments