MANILA, Philippines - Wala umanong katotohanan na ibinasura na ng Malaysian government ang apela ng Pilipinas para sa extradition ni Aman Futures founder Manuel Amalilio.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, inaccurate ang balitang ibinasura na ng Malaysian government ang appeal ng Aquino government para maibalik sa bansa si Amalilio.
Ayon kay Valte, magtutungo pa lamang sa Malaysia ang state counsels ng Pilipinas upang pormal na hilingin ang extradition ni Amalilio.
Idinagdag pa ni Valte, kahit wala tayong extradition treaty sa Malaysia ay pinapayagan din ng nasabing gobyerno ang extradition sa ilalim ng kanilang proseso.
Si Amalilio ay hinatulang makulong ng Sabah court ng 2 taon dahil sa paggamit umano ng pekeng Philippine passport.
Ilang opposition lawmakers ng Malaysia na nagtungo sa Pilipinas ang nagsabing dapat daw kuwestyunin ng Philippine government ang mabilis na paghatol kay Amalilio na sinasabing kaanak ng Sabah minister.
Hindi pa naman nawawalan ng pag-asa ang Department of Justice (DOJ) upang maibalik sa Pilipinas si Amalilio upang harapin ang kanyang kaso matapos nitong lokohin ang kanyang mga biktima na hinikayat niyang mag-invest sa Aman Futures.