MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng pamunuan ng Commission on Elections (COMELEC) na posibleng hindi maidaraos ang halalan sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Pablo noong nakaraang taon.
Sinabi COMELEC Chairman Sixto Brillantes Jr, hindi pa nila matiyak kung maisagawa ang election sa mga naturang lugar na ngayon ay patuloy pa nilang mino-monitor.
Katuwang ng COMELEC sa pagmo-monitor ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lubhang sinalanta ng bagyo gaya ng Davao Oriental at Compostela Valley.
Ayon kay Brillantes, sa Marso pa maaaring ipalabas ang resulta ng pag-aaral o assessment na isinagawa ng mga tauhan ng COMELEC, DPWH at DSWD sa mga lugar na lubhang hinagupit ng bagyong Pablo.
Aniya, maraming paaralan ang nawasak ng nagdaang bagyo na hindi pa nagagamit hanggang sa kasalukuyan at ang iba naman ay nagsisilbi pang evacuation center ng mga residenteng inilikas sa lugar.
Maging ang paghahatid o pagbibiyahe sa mga election paraphernalia ay pinoproblema rin ng COMELEC dahil maraming pang lugar ang hindi nadadaanan sa Davao Oriental at Compostela Valley.