Talamak na ‘lagayan’ sa BOC ibinunyag

MANILA, Philippines - May nagaganap umanong iregularidad  sa ilang departamento ng Bureau of Customs (BOC).

Ito ang ibinunyag kahapon ng isang mapagkakatiwalaang impormante na nakabase sa loob ng BOC, na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Ayon sa impormante, may kuwestiyonable umanong kontrata sa ilang proyekto ay hindi  dumaan sa tamang proseso  at talamak umano ang “lagayan” sa tanggapan ng Interim Customs Accreditation and Registration (ICARE) ng BOC.

Sinasabing sangkot umano ang ilang opisyal at personnel ng BOC sa naturang anomalya  at mala­yang namamapayagpag ang mga ito sa loob at labas ng naturang ahensiya.

Sangkot din umano sa “pangongotong” ang ilang opis­yal at ang kadalasang umanong nagiging biktima ay ang mga nagpa-follow-up ng transaksiyon sa naturang ahensiya.

Ibinunyag pa ng source, na ilang inspector ng ICARE ay nanghihingi ng malaking “lagay” sa ilang importers para mapabilis ang pagproseso ng kanilang mga papeles.

Ang “bulok” umanong sistema o katiwalian ay may basbas ang ilang opisyal ng BOC na siyang nagbibigay ng dungis sa imahe ng aduana.

 

Show comments