MANILA, Philippines - Animnapung (60) katao sa Caloocan City ang dinakip dahil sa pagÂlabag sa ipinaiiral na ordinansa na liquor ban sa lungsod na nagbabawal sa mga residente na uminom ng anumang nakalalaÂsing na inumin sa kalsada simula noong October hanggang December ng nakalipas na taon.
Base sa ulat na isinumite sa tanggapan ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom†Echiverri mula kay Chief of Police, Sr. Supt. Rimas Calixto, simula noong October hanggang December ay 60 katao na ang nakasuhan ng paglabag sa ordinance no 0937 series of 2005 na nagbabawal sa pag-inom ng anumang nakalalasing na inumin sa kalsada sa buong lungsod.
Ang mga nahuling residente na umiinom sa kalsada ay kinasuhan ng pulisya sa piskalya ng Caloocan City kung saan bukod sa pagmumulta ay makukulong pa ang mga ito ng dalawa hanggang isang taon depende sa magiging desisyon ng korte.
Ang pagpapatupad ng naturang ordinansa ay naglalayong malimitahan ang mga nangyayaring gulo sa mga kalsada dahil sa pagkalango sa alak ng mga residente.
Papayagan lamang ang mga residente na uminom sa kalye sa mga espesyal na okasyon tulad ng birthday, baptismal, wedding, wedding anniversary, Pasko, Bagong Taon at iba pa ngunit kinakailangan pa ring kumuha ng permiso ang mga ito sa barangay na nakakasakop sa kanilang lugar isang linggo bago ganapin ang pagdiriwang.
Bukod dito, mahigpit ding ipinagbabawal ng nasabing ordinansa ang pagbebenta ng anumang klase ng inuming nakalalasing sa mga menor-de-edad at ang sinumang mahuhuling tindahan na lalabag dito ay maaari ring maharap sa parehas na parusa.