PM: Sampung taon nang tapat na paglilingkod

MANILA, Philippines - SAMPUNG taon na ang nakalilipas nang isilang ang pahayagang PM o Pang-Masa.

Ito’y kapatid na pahayagang Pilipino Star NGAYON na ang layunin ay masaklaw pa ang ibang sector ng lipunan sa pamamagitan ng mga balita at impormasyong makabuluhan sa uring manggagawa. Nagsimula lang ito mula sa isang maliit na konsepto ng ating President at CEO na si Mr. Miguel Belmonte.

“Ano kaya kung magkaroon tayo ng pang-hapong pahayagan bukod sa Pilipino Star NGA­YON­ sa umaga?” tanong ni Boss Miguel.

Doon nagsimulang mag-usap-usap ang mga editors ng PS NGAYON upang planuhin kung ano ang magiging format na binabalak na bagong pahayagan. Kailangan siyempre ay hindi ito duplikasyon ng PS NGAYON. Dapat may kakaiba itong imahe na hindi makikita sa PS NGAYON.

May mga nagtatanong sa akin kung ano raw ba ang kaibahan ng PM sa PS NGAYON?  Ang simpleng sagot sa tanong na ito ay: Ang PM ay nagbibigay diin sa mga police stories samantalang ang PS NGAYON ay sa mga balitang may kinalaman sa mga nangyayari sa pamahalaan kasama na ang larangan ng politika.

Ngunit ang dalawang pahayagang ito’y nagkakaisa sa layuning hainan ang madlang mambabasa ng mga balitang makatotohanan na huhubog sa kanilang kaisipan upang maging bahagi ng pagkakaisa ng iba’t ibang sector sa pagbuo ng isang lipunang maunlad at matuwid.

Munting bagay lang naman ang magagawa ng kahit aling pahayagan. Ito ay ang magsilbing tenga at mata ng taumbayan na hindi ubrang malaman ang lahat ng mga nangyayari sa pali-paligid. Kaya nga kami ay handang magsiwalat ng anu mang katiwaliang nagaganap sa pamahalaan upang ang mga iniluklok nating opisyal sa puwesto ay mangi­ming gumawa ng kabulastugan. Kilala niyo na ang ami­ng mga batikang manunulat at kolumnista na may reputasyon sa pagiging matapang at walang takot sa paglalantad ng mga kabulukan sa lipunan.

Pinasasalamatan namin ang lahat ng tumatangkilik sa PM (Pang-Masa) na  ngayo’y namama­yagpag sa merkado habang ang mga nakasabayang mga pahayagan noon ay nagsipagtiklop na.

Kung narating namin ang kalagayang ito, unang-unang pinasasalamatan namin ay Panginoong Diyos at pangalawa kayong mga ginigiliw naming tagatangkilik.

Makakaasa kayo na sa pagtuntong namin sa pangalawang dekada, makaaasa kayong lalu naming pagagandahin at pag-iibayuhin ang                      aming paglilingkod sa inyong mga matapat naming tagatangkilik.

 

 

Show comments