MANILA, Philippines -Isang 10-wheeler truck ang nawalan ng kontrol at sumalpok sa apat na sasakyan na ikinasawi ng limang katao sa naganap na karambola sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kinilala ang mga nasawi na sina Hardylyn Placencia; Apolinario Ubial, 39; Reuben Ukay, 24; Paulo Canduli, 24 at Rey Ragulasyun, 41.
Ang mga nasugatang biktima ay kinilalang sina Alexander Pialagao; Mona Pangcatan; Pacita Aguilar; Virginia Uypala; Millyn Rose Abello; Flordeliza Aninao; Janet Jumangin, Catalina Cajera; Maria Lisa Catalan, Rufo Abruqueno, Paaran Ramilas at iba pa.
Sa report na nakarating kahapon sa tanggapan ni NDRRMC Executive Director Benito Ramos, bandang alas-6:00 ng gabi nang maganap ang aksidente sa Brgy. Puerto, Cagayan de Oro City nitong linggo kaugnay ng paghahanda ng mga biktima sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Nabatid na binangga ng 10 wheeler truck na patungong Brgy. Puerto Proper ang kasalubong na pampasaherong jeepney na sa kamalasan ay nadamay sa insidente ang iba pang behikulo sa lugar na kinabibilangan ng isang van, sports utility vehicle at isang motorsiklo.
Nabigo umano ang driver ng 10 wheeler truck na iwasan ang kasalubong na jeepney dahilan sa bilis ng pangyayari kaya’t nagkaroon ng karambola ng sasakyan sa lugar.