Sundalo sugatan sa sunog
MANILA, Philippines - Isang kagawad ng Philippine Army ang nasugatan sa naganap na sunog sa Taguig City, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang nasugatang sundalo na si Sgt. Rodeline Sobrapena na nagtamo ng lapnos sa kamay at braso nang tangkaing patayin ang apoy na ngayon ay ginagamot sa Army General Hospital.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection, dakong alas-12:24 ng madaling-araw nang sumiklab ang apoy sa Administrative Building ng Supply and Support Command (ASCOM) ng Philippine Army sa loob ng Fort Bonifacio.
Dakong ala-1:40 ng madaling araw nang maapula ang naturang apoy pero natupok ang ilang opisina at mga kagamitan sa right wing ng naturang gusali.
Pasado alas-9:00 naman ng umaga nang sumiklab rin ang isang apoy sa isang pabrika na DIC Company, isang pagawaan ng pintura sa loob ng industrial area ng First Avenue, Bagumbayan, sa naturang lungsod.
Nadamay pa sa sunog ang katabing bodega na pabrika ng tissue na Sanitary Care Products of Asia (SCPA).
Ayon kay Arson Investigator, Sr. Insp. Severino Sevilla, hepe ng Operations ng Taguig Fire Department, naitaas sa Task Force Charlie ang sunog at habang sinusulat ang balitang ito ay hindi pa ganap na naaapula ang apoy ngunit nakontrol na umano ito.
Sinabi ni Sevilla, posible umanong tumagal pa ng tatlong araw bago tuluyang maapula ang apoy sa loob ng pabrika dahil sa muling pagsiklab nito dulot ng mga pintura at iba pang kemikal na nakaimbak sa establisimiyento. Aabot naman sa P20 milyon ang tinatayang naabo at nasira sa naturang sunog.
- Latest