Mga naglalasing sa kalsada dadamputin ng mga pulis
MANILA, Philippines - Ilang araw bago ang pagsapit ng Bagong Taon ay aarestuhin ng pulisya ang sinumang naglalasing sa kalye sa Metro Manila.
Ito ang naging direktiba ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Leonardo Espina sa lahat ng kanyang mga District Directors at Station Commanders sa lahat ng makikitang nag-iinuman sa kalsada sa patuloy na pagpapatrulya sa bawat barangay kasama ang mga tanod.
Sa rekord ng pulisya, marami sa mga away na nauuwi sa pambubugbog, at pagpatay ay nag-uugat sa inuman lalo na sa kalsada.
Malala pa rito ay nadadamay ang mga inosenteng napapadaan lamang sa lugar ng inuman na puwersahang tinatagayan ng mga lasenggo.
Nais rin maiwasan ng NCRPO na tumaas pa ang bilang ng mga napuputukan dahil sa kalimitan sa mga nalalasing ay lalong nagkakalakas ng loob na magsindi ng mga iligal na paputok na minsan ay nagpapasikat pa at hinahawakan ang mga ito.
- Latest