MANILA, Philippines - Nauwi sa trahedya ang pagsalubong sa Pasko kahapon ng daang pamilya matapos na maganap ang magkahiwalay na sunog sa San Juan City at Quezon City na ikinasawi ng pitong miyembro ng pamilya.
Sa Quezon City,naiulat na pitong miyembro ng isang pamilya ang nasawi na kinilalang sina Corina Filamor, 55; Eva Filamor, 25; Carlos Filamor Jr., 20; Michael Andrei Filamor-Mutuc, at tatlo pang bangkay na patuloy na kinikilala.
Sa inisyal na ulat ng QC Bureau of Fire Protection, dakong alas-5:27 ng umaga nang magsimula ang sunog sa bahay ng isang Dr. Carlo Filamor na matatagpuan sa no 16 Rest Haven St., Brgy. Bungad, San Jose Del Monte sa lungsod.
Nabatid sa hindi pa malamang kadahilanan ay bigla na lamang naglagablab ang isa sa walong pintong apartment at kabilang sa nadamay ang tinutuluyan ng pamilya Filamor na mabilis na lumaki at nadamay ang iba pang katabing apartment na pawang gawa sa light material.
Sinasabing may kalumaan na umano ang naturang apartment kung kaya mabilis na kumalat ang naturang apoy at sinasabing na-trap ang mga biktima.
Sa kabuuan, may 18 apartment ang tuluyang nilamon ng apoy sa nasabing lugar dahilan para umabot ito sa Task Force Charlie at humigit isang oras bago ideklarang fire out ang sunog.
Tinitingnan ng mga otoridad kung faulty wiring ang dahilan ng sunog na ang danyos ay nasa P7 milyon.
Sa San Juan City ay umaabot sa 500 bahay ang natupok matapos na masunog dakong alas-2:00 ng madaling-araw ang isang bahay na walang tao at mabilis na kumalat sa mga kadikit na bahay na gawa sa mga light materials na matatagpuan sa Mahinhin St., na umabot sa Matimyas St., at Pinaglabanan, Brgy. St. Joseph.
Isang residente na nakilala sa alyas Boy Pricio, 50, ang nasugatan matapos umanong madulas at mabagok, habang napilayan naman ang isang Jomar Madrona nang mahulog mula sa bubungan.
Mahigit dalawang oras ang nakalipas nang ideklarang fire under control ang sunog at bandang alas-7:00 naman bago ito tuluyang idineklarang fire
out. Inaalam na ng arson investigators ang dahilan ng sunog na tinatayang P2.5
milyon ang halaga ang natupok na ari-arian.