NBI Deputy Dir. kinasuhan

MANILA, Philippines - Dahil sa hindi umano pagbabayad ng obligasyon sa milyong kontrata na pinasok ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang Information Technology (IT) provider, kung kaya ipinagharap ng patung-patong na kaso ang  deputy director ng kawanihan.

Mga kasong paglabag sa  Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards) and Republic Act No. 9485 (Anti-Red Tape Act) laban kay  NBI Deputy Director for Comptrollership Rafael Marcos Ragos sa Office of the Ombudsman.

Bunga ito ng reklamong inihain ng  Realtime Data Management Services Inc. (RDMSI), sa pamamagitan ng vice president for external affairs na si  Atty. Orlando Dizon. Kabilang sa akusasyon ang pag-ipit umano sa bayaring nasa  P14 milyon  (net of withholding taxes) sa serbisyong ipinagkaloob ng nasabing kumpanya sa NBI simula Hulyo hanggang Setyembre ng taong kasalukuyan.

Tumanggi umano si Ragos na iproseso ang di pa kumpletong  bayarin sa nasabing IT provider na nagdulot ng ‘undue injury’ sa operasyon ng kumpanya.

Ayon kay Atty. Dizon, hindi umano tumugon si Ragos sa direktiba ni   Justice Sec. Leila de Lima at  NBI director Nonnatus Rojas na bayaran na ang  RDMSI kaya napilitan na silang maghain ng kaso. Hiling din ni Atty. Dizon na isailalim sa  preventive suspension si Ragos upang  hindi umano niya magamit ang kanyang posisyon sa isasagawang  imbestigasyon ng ombudsman.

Show comments