MANILA, Philippines - Nasawi ang isang rider at sugatan naman ang angkas nito, makaraang mabundol ang sinasakyan nilang motorsiklo ng isang kotse sa kahabaan ng Kamuning Road, Quezon City, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni PO2 Henry Luna ng Quezon City Police Traffic Sector 4 ang nasawi na si Melchor Casipi, 53, may-asawa, aircon technician na residente ng #43 Kabalitang St., Brgy. Krus na Ligas sa lungsod.
Sugatan naman si Rolando Nirza, 34, may-asawa ng #61 J. Francisco St., Brgy. Krus na ligas sa lungsod na ngayon ginagamot sa East Avenue Medical Center. Ayon kay PO2 Luna, naganap ang aksidente sa intersection ng Kamuning Road, at J. Erastian St., Kamuning Quezon City ganap na alas-2:30 ng madaling-araw.
Sakay ng isang RAM Mc (2499PD) na motor ang mga biktima galing sa direksyon ng Tomas Morato Avenue, patawid sa J. Erastain St., patungo sa Edsa, habang ang RAV-4 (XMB-266) na minamaneho ni Maria Teresa Villegas ay galing sa direksyon ng Scout Ybardolaza St., patawid ng Kamuning Road, patungo ng K-1st St., nang maganap ang aksidente.
Sa lakas ng banggaan ay sinasabing tumilapon ang dalawang biktima at bumagsak sa sementadong kalsada.
Agad naman naisugod sa pagamutan ang dalawa pero nalagutan din ng hininga si Casipi.
Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property with physical injury and homicide si Villegas.