MANILA, Philippines - Tigok ang isang 70 anyos na lola makaraang makulong sa isang nasusunog na simbahan ng isang sekta ng relihiyon sa Brgy. Sta Lucia, Dolores, Quezon kamakalawa umaga.
Kinilala ang nasawing matanda na si Lily Lagura, residente ng Brgy. Sta Lucia ng bayang ito.
Ang bangkay ng matanda ay narekober dakong alas-11:00 ng umaga nitong Biyernes na halos hindi na makilala sanhi ng grabeng pagkatupok ng katawan nito.
Sa imbestigasyon ng Quezon PNP, bandang alas -9:30 ng gabi nang tupukin ng apoy ang simbahan ng Centro General Building ng Iglesia del Ciudad Mistika de Dios, isang religious compound ng Suprema Isabel Suarez sa naturang lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinasabing natumbang kandila ang sanhi ng sunog na tumupok sa simbahan na ang itinuturing na Santo ay ang pambansang bayaning si Gat. Jose Rizal. Tinatayang nasa P15-M halaga ng ari-arian ang naabo sa naganap na sunog.