Batang may leukemia na nais maging pulis tinupad ni Purisima

MANILA, Philippines - Tinupad kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang pangarap ng isang 8-anyos na batang lalaking may leukemia na maging pulis.

Kahapon ay inilagay sa isang araw na duty ni PNP Chief P/Director General Alan Purisima at ginawaran ng ranggong Inspector ang batang si Christianel Dolosa, ng Hagonoy, Bulacan.

Sa isang simpleng seremonya sa Camp Crame, binihisan ng uniporme ng isang tunay na pulis at niregaluhan ng laruang police mobile si Dolosa na sumaludo pa sa bagong talagang PNP Chief.

Ang bata ay sinamahan ng kaniyang mga magulang sa pagre-report nito sa kaniyang isang araw na duty sa Chief PNP sa Camp Crame kung saan sumailalim rin ito sa oryentasyon sa kasaysayan ng PNP, pananaw at  kaugalian ng mga pulis saka nag-tour sa punong himpilan ng pambansang pulisya.

Ayon sa mga magulang ng bata apat na taon pa lamang daw ito  ng magsimulang  mangarap na maging isang pulis dahil nais nyang mahuli ang lahat ng  magnanakaw at mga drug addict.

Ikinatuwa naman ng bagong hepe ng pambansang pulisya ang ipinakitang paghanga ng bata sa mga pulis kasabay ng pagsasabing iingatan nila ang magandang pagkilala ng mga bata at ng publiko sa pambansang pulisya.

Matatandaang isang bata din na nagngangalang “Michael” ang nabanggit ni Purisima sa kanyang valedictory adress na nagsabing nais din nitong maging pulis matapos itong manumpa sa tungkulin nitong Martes sa harap ni Pangulong Benigno Aquino III.

Ayon kay Purisima nakakataba ng puso ang ganitong mga paghanga mula sa mga bata lalo’t hindi ang mga ito nagsisinungaling na magsisilbing inspirasyon pa sa mga pulis para pagbutihin ang serbisyo publiko.

Show comments