Private firms tumulong sa mga biktima ni Pablo

MANILA, Philippines - Inihayag ni Philippine Red Cross Davao Oriental chairman Cesar De Erio na ang suporta ng mga pribadong indibidwal at mga kompanya ang susi para masustenahan ang mga biktima ng bagyong Pablo sa Davao Oriental.

“Ang tulong ng mga pribadong kompanya tulad ng Sagittarius Mines, Inc. (SMI) ay kapuri-puri at kailangan namin para matulungan ang mga biktima ng bagyo sa Davao Oriental,” ani De Erio.

Noong nakaraang ling­go, ipinagkaloob ng SMI sa PRC Davao Oriental chapter na nakabase sa  Mati ang 1,700 food packs na naglalaman ng bigas, noodles at sardi­nas.

Nagkaloob din ang  SMI ng 6,264 first aid kits na binubuo ng syringes, antiseptic solution, hydrogen peroxide, gauze pads, alcohol, face mask, disposal gloves at 200 vials ng anti-tetanus serum.

Base sa pagtatala, ki­­numpirma ni De Erio na kailangan ng mga biktima ng bagyong Pablo sa Davao Oriental  ang anim na buwang tulong ng PRC  bago sila makatayo sa sariling mga paa.

Sinabi ni De Erio na nagkaloob ang SMI ng PhP500,000 halaga ng relief goods sa PRC Davao Oriental chapter at hiniling na direktang ipadala ang ayuda sa munisipalidad  ng Baganga na pinakamatinding tina­maan ng bagyo.

Samantala, inihayag naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos na malamang na abutin pa ng taon bago tulu­yang ma­kabangon ang mga biktima ng bagyong Pablo partikular na sa la­la­wigan ng Compostela Valley at Davao Oriental na humagupit sa bansa noong nakalipas na Dis­yembre 3.

Sinabi ni Ramos na maraming dapat na ayu­sin sa imprastraktu­ra, agrikultura at mga ari-arian na winasak ng hagupit ng bagyo gayundin ang lugar na gaga­wing relokasyon ng mga ito matapos na marami ang mawalan ng tahanan gayundin ng mga kabuhayan.

 

 

Show comments