MANILA, Philippines - Dapat ay ipakita ngayon ng mga mambabatas ang kanilang malasakit sa mga nasalantang mamamayan sa Visayas at Mindanao na tinamaan ng super typhoon na si ‘Pablo’.
Ayon kay Alab ng Mamamahayag (ALAM) Chairman Jerry Yap at Atty. Toto Causing, dapat ay isentro na lamang ng mga mambabatas ang makatulong sa mga mamamayan na makabangon mula sa pagkasalanta sa bagyo.
Anila, sa halip na gumasta ang mga mambabatas para lamang makapanood ng laban ni Sarangani Rep Manny Pacquiao at Mexican boxer Manuel Marquez sa Amerika ay tumulong na lamang sa mga biktima ni Pablo.
“Kung ayaw nilang tumulong sa mga sawimpalad na biktima ng bagyo, at least huwag silang maging mayabang at arogante sa paggastos ng kanilang mga dolyares,” ani Yap at Causing.
Iginiit pa ng dalawa, panahon ngayon ng Kapaskuhan kaya mas makabubuting ibigay na lamang nila sa mga biktima ng bagyong Pablo ang gagastusin nilang dolyares sa Pacquiao-Marquez bout sa US.