MANILA, Philippine s - Napatay sa isang shootout ang 4 lalaki at isang babae na pinaghihinalaang notoryus na miyembro ng big time carjacking gang na nakabase sa Cordillera Region matapos na masabat at makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya kamakalawa sa Gerona, Tarlac.
Sa ulat ni Supt. Ponciano Zafra, hepe ng Gerona Police, bandang alas- 4:00 ng madaling-araw kahapon nang makatanggap ang pulisya ng ulat hinggil sa mga armado at kahinahinalang kalalakihan na puwersahang pinabubuksan ang gate ng isang farm na pag-aari ng isang mayamang negosyante sa Brgy. Danzo, Gerona.
Sinabi ni Zafra na nagresponde ang patrol team ng pulisya sa nasabing lugar at nang papalapit pa lamang ang mga otoridad sa lugar ay sinalubong na sila ng putok ng mga baril ng mga suspek.
Sa kasagsagan ng putukan, isa isang bumulagta ang mga suspek at narekober ang dalawang cal. 45 revolver, dalawang cal. 38 revolver at isang MK II fragmentation grenade na nabigong pasabugin ng mga carjackers.
Tatlo sa limang napatay na suspek ay kinilalang sina Roger Gorospe, Dexter Magadang at Rey Alonzo Banawa.
Bago ito noong Sabado ng hatinggabi ay kinarjack ng mga suspek sa Baguio City ang Toyota Innova (NDO-933) na minamaneho ni Roldan Ymson, 67-anyos na hinostage pa ng mga ito sa pagtakas patungong katimugang direksyon na ang bangkay ay narekober ng pulisya sa Pozzurubio, Pangasinan.