MANILA, Philippines - Arestado sa mga tauhan ng Quezon City Police Station 10 ang isa sa mga suspek sa serye ng panghoholdap sa mga sangay ng LBC sa Maynila at Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Ganap na alas-8:00 ng gabi nang mahuli ang suspek na si Ruel Herabas, 31, matapos niyang holdapin at looban ang LBC branch sa Matalino street, Barangay Central sa Quezon City.
Ayon kay Col. Marcelino Pedroso, hepe ng QC PS 10, naaktuhan ng kanyang mga tauhan na papalabas ang suspek sa nilolooban na isang sangay ng LBC kaya nila ito hinabol hanggang sa masukol sa Matalino at Sikap Sts.
Nabawi kay Herabas ang perang nagkakahalaga ng P1,651.00, isang kalibre .38 na baril, mga bala nito at isang surgical mask na ginagamit na pantakip sa kanyang mukha.
Positibong kinilala ng mga nabiktimang empleyado ng LBC na si Herabas ang siyang nanloob sa mga sangay ng LBC.
Aminado naman si Herabas at sinabing mula nang mawalan siya ng trabaho noong Setyembre, nagsimula na siyang mangholdap.