Gun ban ipatupad ng maaga sa mga lugar na apektado ng pyramiding scam

MANILA, Philippines - Maagang ipatupad ang gun ban sa mga lugar na apektado ng pyramiding scam sa Zamboanga Peninsula at Lanao del Sur.

Ito ang hihilingin ni Com­mission on Elections Commissioner Elias Yusoph sa pamunuan ng Philippine National Police  upang mapigilan ang mga karahasan at posibleng mga pagdanak ng dugo kaugnay ng gaganaping mid term elections sa Mayo 2013.

Ang gun ban sa buong bansa ay nakatakdang ipatupad sa Enero 13 ng susunod na taon upang tiyakin na maipatutupad ang SAFE (Secured and Fair Elections ).

Kabilang ang Pagadian City , Zamboanga del Norte na siyang base ng Aman Futures Group Philippines Inc, iba pang mga lalawigan sa Zamboanga Peninsula tulad ng Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay gayundin sa Zamboanga City na marami ang naging biktima ng pyramiding scam.

Ang pyramiding scam boss na si Manuel Amalilio ng Aman Futures ay tuma­ngay ng P12 bilyon sa may 15,000 kataong biktima nito partikular na sa Mindanao kung saan nagtatago na umano ito sa Kota Kinabalu, Malaysia matapos na tumakas sa bansa.

Ang kaalyado nitong Rasuman Group na pag-aari ng naarestong lider ng grupo na si Jacob Rasuman kamakailan ay nag-ooperate naman sa Marawi City, Lanao del Sur at libu-libo ring katao  ang naging biktima.

Ayon sa opisyal, mataas ang mga insidente ng karahasan sa nasabing mga lugar kaya kailangan ang maagang pagpapatupad ng gun ban na kailangang gawin na sa susunod na buwan.

 

 

Show comments