P-Noy: Pinas hindi kaya ang China!
MANILA, Philippines - Hindi kayang sumabak ng Pilipinas laban sa China dahil sa kawalan ng modernong kagamitan bukod sa hindi giyera ang solusyon upang ipagtanggol ang teritoryo na inaangkin ng China.
Ito ang pag-amin ni Pangulong Benigno Aquino III na ipinaliwanag sa mga estudyante ng Learning Tree Child Growth Center sa Quezon City kaugnay sa tanong ng isang grade 5 pupil kung may sapat bang modern equipment ang Philippine Navy para ipagtanggol ang Panatag Shoal sa China na nais sumakop dito.
Idinagdag pa ni P-Noy, mayroon lamang 132 ships ang Navy upang bantayan ang 36,000 kilometer na coastline ng Pilipinas.
Aniya, hindi naman giyera ang solusyon upang ipagtanggol ang Panatag Shoal dahil puwede naman itong ipaglaban sa United Nations dahil nakapaloob naman sa 200-mile exclusive economic zone ng Pilipinas ang Panatag Shoal.
Ipinaliwanag pa ng Pangulo, ang Panatag Shoal ay 120 miles mula sa Masinloc, Zambales kaya pasok na pasok ito sa exclusive 200-mile economic zone ng Pilipinas.
Samantala, sumunod na ang Pilipinas sa mga bansang Vietnam at Taiwan na kumokontra sa bagong e-passport ng China kung saan naka-imprenta ang mapa ng South China Sea na nasasaklaw nito ang pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, isang hiwalay na visa application ang iisyu sa mga bibisita o papasok na Chinese travelers sa bansa imbes na ang e-passport holder ang kikilalanin.
- Latest