MANILA, Philippines - Isang barangay chairman at dalawang kasama nito ang dinakip ng mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa isang buy bust operation sa loob ng isang fast food restaurant sa San Pedro, Laguna.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Salpoden Mampao, alias Ogie Muslim/Salpo, 28, barangay chairman ng Barangay Mapoling, Lumbabayabao, Lanao del Sur; Matuan Badong, 22; at Jalal Rinanandang, 28, pawang taga Block 2, Lot 36, Phase 1, San Lorenzo Village, Barangay Balibago, Sta. Rosa City, Laguna.
Nabatid na ang suspek ay nakipagtransaksyon sa poseur buyer na magkita sa fast food restaurant sa may National Highway, Barangay Nueva, San Pedro, Laguna.
Nang tanggapin ni Mampao ang P500 marked money kapalit ng 2 plastic sachets ng shabu sa poseur buyer ay dito na ito dinakip.
Nakuha rin ng mga operatiba mula sa mga suspek ang isang 38 caliber revolver at dalawang .45 caliber pistols na loaded ng bala at isang sasakyan na gamit sa illegal drug transactions.